gilbertmiralo's blog
Nagsasalimbayan sa isang sulok ng kanyang diwa
Tila siya’y monologong nagtatanghal sa entablado
Pagpatak ng araw na yo’y ritwal niyang sinasariwa
Ang mga samu’t-saring maliligalig na elemento
Heto na naman si Puloy, muling binabagtas ang kahabaan ng mausok at walang pahingang kalsada ng Aurora. Patungo kung saan makakapulot ng swerte. Sumpang naging habitwal sa mura niyang edad. Ang usok mula sa mga sasakyan ang tangi niyang pabango sa katawan, ang mga ingay ng kalsada ang kanyang musika at tanging lansangan ang nakagisnan niyang palaruan. Lahat ng ‘yon ay tinuturing niyang palamuti sa paulit-ulit na pagikot ng kanyang malamig na mundo. Araw-araw, mula umaga hanggang gabi ang kanyang byahe sa iisang ruta lamang para maghagilap ng panglaman-tiyan. Tinatahak niya mula Aurora hanggang kalsada ng Legarda para abangan ang mga nakakatakam na tira-tirang putahe’t panghimagas mula sa mga resto at fast food na kanyang nadadaanan.
Isang oras at apatnapung minuto bago mag-december 25, dalawang katropa pa ang dadaanan bago mapunta sa akin ang pagikot ng tagay. Bukod sa mga batang kumakain ng paputok, mga halo-halong ingay ang karamihan sa mga nagpapasigla sa gabi at kasabay ng pagkumpas ng mga paa ko sa tugtugang punk-disco na yumayanig sa kabilang bahay, inaaliw ko ang sarili ko sa pagnguya ng greenpeas habang nakikipagdiskurso sa mga kainuman. Tawanan, tablahan at harutan.
Isa akong byahero, at isa ako sa mga nilalang na naging libangan na ang pagabot ng bayad sa jeep at paglasap ng vetsin na hinaluan ng mani pag nasa bus. Apat na araw sa isang linggo, apat na linggo sa isang buwan, ibat-ibang pagmumukha, magkakahalintulad na karanasan.
First stop...
Si manong na nakaupo sa may bungad ng jeep. Bakas sa kanyang inubang buhok at nangungulubot niyang mukha ang kasaysayan ng kanyang buhay. Ang nanunuyo niyang balat at maugat na mga kamay na bumuhat ng maraming responsibilidad. Di din maikakaila na ang tangan niyang nilumang kasuotan ay naging saksi sa kasaysayan ng bansa, kamisetang may batik-batik, kinupas na maong at nauupod na sandalyas, ilan lang yon sa mga naging pananggalang niya sa pakikibaka noong panahon ng martial-law. Ilang taong paghihintay ng pagbabago...maabutan niya pa kaya ang panahon na yon?
Sa gawing kanan naman, kahanay ng drayber, isang ulirang ama na mukhang hapong-hapo sa buong araw na pagtatrabaho. Kapalit ang isang kilong bigas at ilang pirasong talong at isda na nakasilid sa supot na bitbit niya sa kanyang kanang kamay, tipikal na hapunang pagsasaluhan ng kanyang pamilya paguwi niya. May pasalubong siyang malungkot na balita sa asawa niya...bukas, kailangan na niyang maghanap ng panibagong trabaho. Makahanap kaya agad siya?


