Ms. Thursday
Nagsasalimbayan sa isang sulok ng kanyang diwa
Tila siya’y monologong nagtatanghal sa entablado
Pagpatak ng araw na yo’y ritwal niyang sinasariwa
Ang mga samu’t-saring maliligalig na elemento
Nilulukuban ng mga magkakahalong pakiramdam
Nabablangko ang mukha’t napupuno ang kalooban
Binubuhusan ng mga malalamig at maligamgam
Tumutupi ang dila’t sumisigaw sa ka’laliman
At siya lang ang nakakaalam ng tunay na dahilan
Pagsapit ng huwebes, nagiiba ang kapaligiran
Minsan mata’y umuulan malimit kung magkislapan
Ikinukubli sa pagbanat ng kanyang mga labi
Para ang mapuna’y isang nakakatunaw na ngiti
Ikinukulong ng tao ang sarili niya
Sa isang ilusyong siya mismo ang lumilikha
Di niya ito magawang takasan
Dahil kakaiba ang dulot nito sa kanya
Dahil ito lang ang paraan niya
Para masulyapan muli ang mga bagay na nawala na sa kanya.


